
Tinutulan ng prosekusyon ng International Criminal Court o ICC ang hiling ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na limitahan sa 10,000 items ang mga ebidensyang maaaring gamitin laban sa kaniya sa paglilitis.
Sa 16-pahinang dokumentong inihain noong Oktubre 5, hiniling ng ICC prosecution sa Trial Chamber III na ibasura ang mosyon ng depensa.
Ayon sa prosekusyon, hindi maaaring magtakda ng arbitraryong limitasyon sa bilang ng dokumentong maaaring ihayag dahil maaari umano nitong mapilitang itago ang mga ebidensyang mahalaga sa paghahanda ng depensa.
Kabilang sa tinututulan ng depensa ang dami, relevance at kalidad ng mga dokumentong isinumite ng prosekusyon.
Sinabi naman ng prosekusyon na nasa 62,034 items ang kabuuang na-disclose na materyales, kabilang ang 44,495 mula sa isang dataset na sinasabing mahalaga sa kaso.
Ayon sa ICC prosecution, naglalaman ang dataset ng mga rekord ng pagkamatay ng libu-libong indibidwal na napatay sa anti-illegal drug operations ng PNP, gayundin ng iba pang drug personalities noong panahon ni Duterte bilang pangulo.
Giit ng prosekusyon, mahalaga ang mga rekord sa pagpapatunay umano sa alegasyon ng malawakan at sistematikong pag-atake laban sa civilian population.
Itinanggi rin ng prosekusyon ang alegasyon ng depensa na “appalling” o hindi maayos ang kanilang disclosure, at sinabing naglaan na sila ng ilang paraan upang mas madaling masuri ng depensa ang napakaraming ebidensya.










