
Itinutulak ng mga tagausig ng International Criminal Court (ICC) na magsimula sa Nobyembre 2026 ang paglilitis laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng mga kasong Crimes against humanity noong kaniyang administrasyon.
Sa isinumiteng ulat noong Mayo 15, sinabi ng prosekusyon na inaasahan nilang matatapos ang lahat ng kinakailangang paghahanda bago matapos ang Setyembre 2026. Dahil dito, iminungkahi nila na sa Nobyembre 30 sa kasalukuyang taon na pormal na simulan ang paglilitis upang magkaroon pa ng sapat na panahon para sa pag-aayos ng mga ebidensya at paghahanda ng mga dokumento.
Samantala, mas maagang iskedyul naman ang nais ng mga abogado ng mga biktima ng kampanya kontra droga. Para sa kanila, mas makatarungan kung Setyembre ngayong taon na agad magsimula ang paglilitis upang mapabilis ang pag-usad ng kaso at mabigyan agad ng pagkakataon ang iba pang biktima na makalahok sa proseso.
Sa kabilang panig, muling binuksan ng depensa ni Duterte ang isyu ng kanyang kalagayan sa kalusugan. Ayon sa kanyang bagong legal counsel na si Peter Haynes, kinakailangang muling suriin kung kaya pa ng dating pangulo na humarap sa paglilitis dahil sa umano’y patuloy na paghina ng kanyang kondisyon.
Giit ng depensa, hindi sapat ang dating pagsusuring medikal na ginawa noong unang yugto ng kaso, at dapat itong repasuhin bago tuluyang itakda ang paglilitis.
Matatandaang noong Abril 23, kinumpirma ng hukuman ang mga kaso laban kay Duterte matapos siyang ideklarang “fit
to stand trial” batay sa independiyenteng pagsusuring medikal.
Inilipat na rin ng ICC ang kaso mula Pre-Trial Chamber I patungo sa Trial Chamber III bilang paghahanda sa susunod na yugto ng paglilitis.
Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng murder at attempted murder bilang crimes against humanity dahil sa umano’y mga pagpatay na naganap noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan bilang pangulo ng Pilipinas sa ilalim ng kampanya kontra droga.










