Tiniyak ng International Criminal Court (ICC) na magiging patas, walang kinikilingan, at independent ang magiging pagdinig sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa ICC spokesperson na si Oriane Maillet, binigyan nila ng sapat na oras ang defense team ng dating pangulo para makapaghanda para sa nalalapit na pagdinig kaugnay ng kasong crimes against humanity.

Paliwanag pa niya, mas malawak at mas mahaba ang proseso ng pagdinig sa ICC kumpara sa mga kaso sa national courts. Dahil sa bigat ng mga paratang, kailangan ng mas marami at mas matibay na ebidensya, kaya inaasahan ding magiging mas mahaba at mas kumplikado ang proseso.

Noong Abril 23, kinumpirma ng ICC Pre-Trial Chamber ang kasong crimes against humanity laban kay Duterte. Samantala, nakatakda namang magsagawa ng status conference ang Trial Chamber III sa Mayo 27.

Ayon pa sa ICC, nasa mga trial judges ang pagpapasya sa iskedyul ng aktuwal na pagdinig, base sa mga isusumiteng posisyon ng magkabilang panig.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ng korte, magiging bukas sa publiko ang mga pagdinig at maaari itong mapanood nang live online.