Tumanggi ang International Criminal Court (ICC) na magbigay ng pahayag ukol sa umano’y paglabas ng warrant of arrest laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang pahayag, hindi kinumpirma o pinabulaanan ng ICC ang balitang naglabas sila ng arrest warrant laban sa dating Pangulo.

Binigyang-diin ng ICC Office of the Prosecutor na mahalaga ang pagiging confidential sa kanilang patuloy na imbestigasyon ukol sa mga alegasyong paglabag ni Duterte sa kanyang war on drugs policy noong siya’y nasa pwesto, at binigyang halaga ang pangangailangan na protektahan ang mga biktima at saksi.

Ayon sa gobyerno, handa silang harapin ang anumang kaganapan ukol sa isyung ito.

Samantala, sinabi ni Assistant Counsel to the Complainants Atty. Kristina Conti na hindi rin nila maipapatunayan ang ulat ukol sa umano’y pag-isyu ng warrant of arrest laban kay Duterte.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Conti, ang mga ahensya o organisasyong maaaring may kaalaman tungkol sa nasabing arrest warrant ay ang gobyerno ng Pilipinas, Interpol, at ang 125 na ibang miyembro ng ICC.

Dagdag pa ni Conti, inaasahan ng kanilang mga kliyente ang isang update mula kay ICC Prosecutor Karim Khan, ngunit wala pa silang natatanggap na kumpirmasyon.