
Nagsagawa ng kilos-protesta noong Enero 26, 2026 ang International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP) Britain, London Philippines Solidarity (LPS), at iba pang progresibong grupo sa tanggapan ng Metals Exploration PLC, ang mother company ng Woggle Corporation na nag-o-operate sa Pilipinas.
Ayon kay Christ Godino ng BAYAN United Kingdom, layunin ng pagkilos na kondenahin ang tumitinding panunupil na nararanasan ng mga magsasaka at katutubong komunidad sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya dulot ng mining exploration ng Woggle Corporation.
Kasabay ng protesta, inilunsad din ng mga grupo ang British Mining Out of the Philippines (BMOP) campaign na layuning ipanawagan ang agarang pagtigil ng mga operasyon ng British mining companies sa Pilipinas na umano’y patuloy na sumisira sa likas-yaman ng bansa at lumalabag sa karapatang pantao ng mga apektadong komunidad.
Binigyang-diin ng mga nagprotesta na malaki ang epekto ng pagmimina sa mga komunidad, partikular sa mga magsasaka at katutubo.
Tiniyak naman ng mga grupo na magpapatuloy ang kanilang mga pagkilos at aksiyon upang iparamdam sa mga mamamayan ng Nueva Vizcaya na hindi sila nag-iisa sa kanilang laban.
Iginiit nila na sa kabila ng umano’y kawalan ng tugon mula sa ilang pulitiko at sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), mananatili ang kanilang paninindigan para sa hustisya, karapatang pantao, at pangangalaga sa kalikasan.










