
Inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Biyernes sa Ombudsman ang pagsasampa ng mga kasong plunder, graft, at bribery laban kina Leyte Representative at dating Speaker na si Martin Romualdez at resigned Ako Bicol representative Zaldy Co.
Nagtungo sina ICI member Rogelio “Babes” Singson at DPWH Secretary Vince Dizon sa tanggapan ng Ombudsman upang magdala ng mga kahon ng ebidensya laban kina Romualdez at Co.
Sinabi ni Dizon na sakop ng kanilang rekomendasyon ang humigit-kumulang P100 bilyong halaga ng mga kontrata ng gobyerno na nakuha ng mga construction company na Sunwest Corporation at Hi Tone Construction, parehong mga kompanyang may kaugnayan kay Co, mula 2016 hanggang 2025.
Dagdag pa niya, binigyang-halaga din ng kanilang rekomendasyon ang mga sinumpaang testimonya na ibinigay sa imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee tungkol sa mga flood control projects, partikular na ang kay Orly Guteza.
Sa kabilang banda, sinabi ni Dizon na hindi isinama ang video ni Co sa social media dahil hindi ito isang sinumpaang testimonya.
Tinutukoy niya ang mga video na nai-post noong nakaraang linggo sa mga social media account ni Co na inaakusahan sina Marcos, Romualdez, at ilang miyembro ng Gabinete ng pag-oorganisa ng “insertions” umano na nagkakahalaga ng P100 bilyon sa pambansang badyet.
Hinimok ng kalihim ng DPWH si Co na bumalik sa Pilipinas para patunayan ang kaniyang mga paratang.
Sinabi ni Dizon na ang ugnayan sa pagitan nina Romualdez at Co ay may basehan dahil ang huli ay nagsilbi sa House appropriations panel noong panahon ng panunungkulan ni Romualdez bilang speaker mula 2022 hanggang 2025,
Gayunpaman, tumanggi si Dizon na sagutin ang isang tanong kung sapat na ang kanilang rekomendasyon para sa paghahatol.
Ayon kay Dizon, trabaho na ng Ombudsman kung sapat ang kanilang rekomendasyon laban sa mga nasabing indibidual.
Sa parte naman ni Singson, sinabi niyang hindi maaaring basta na lamang gamitin ng mga opisyal ng gobyerno ang regularidad ang mga operasyon ng gobyerno sa pagtatanggol ng kanilang mga sarili laban sa kanilang pagkakasangkot sa kaguluhan sa flood control.










