Naniniwala ang Malacañang na maaari pa ring magbigay ng rekomendasyon ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot sa flood control anomalies kahit isa na lamang ang natitirang miyembro, si ICI Chairperson at dating Supreme Court Justice Andres Reyes.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, ang kakulangan sa bilang ng komisyon ay hindi hadlang sa paggawa ng mga rekomendasyon, lalo na kung may sapat na ebidensya para isumite ang kaso sa Ombudsman o Department of Justice.

Aniya, ang pagtakbo ng ICI ay maaaring mas epektibo kung kompletong miyembro ang komisyon, ngunit ang pagiging isa lamang ng miyembro ay hindi nangangahulugang hindi na makakapagpatuloy ang komisyon sa kanyang tungkulin.

Binanggit din ni Castro na nakumpleto na ang trabaho ng mga dating miyembro na sina Rogelio Singson at Rossana Fajardo, at kasalukuyang kino-compile at kino-collate ang mga datos upang maisumite ang iba pang rekomendasyon sa DOJ.

Nakasalalay sa desisyon ng Pangulo ang pagpapalit sa mga nagbitiw na miyembro.

-- ADVERTISEMENT --