Inihayag ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na hawak na nila ang matibay na ebidensya laban sa mga sangkot sa multi-bilyong pisong korapsyon sa mga flood control project sa bansa.

Ayon kay dating DPWH Secretary Rogelio Singson, miyembro ng ICI, sapat na ang hawak nilang impormasyon ngunit hindi muna nila isasapubliko upang hindi mabigla ang mga posibleng kasuhan.

Tinututukan na ng ICI ang mga administratibong hakbang tulad ng pag-freeze ng ari-arian, paghabol sa mga hindi nabayarang buwis, at pagkumpiska ng mga kagamitan na may kulang sa dokumento, katuwang ang AMLC, BIR, Bureau of Customs, at mga bangko sa bansa.

Iniimbestigahan din nila ang umano’y “bid-rigging” o dayaan sa bidding ng halos lahat ng flood control projects.

Bagamat may panawagan para sa publikong pagdinig, nanindigan ang ICI na hindi ilalivestream ang mga hearing upang maprotektahan ang impormasyon at ebidensya.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, tiniyak ng komisyon na may regular na press briefing at lahat ng pagdinig ay naka-record.

Mariin ding tinutulan ni Singson ang pagkonsidera sa mga whistleblower na sangkot sa anomalya bilang state witness, dahil sila umano ay mga pangunahing nakinabang sa korapsyon.