Ipinag-utos ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa mga imbestigador na tiyakin na walang foul-play sa pagkamatay ni dating Department of Public Works undersecretary Catalina Cabral na idinawit sa umano’y budget insertions sa maanomalyang flood control projects.

Sinabi ng ICI bilang dating undersecretary for planning, walang duda na nalalaman na mahahalagang impormasyon si Cabral.

Una na ring hiniling ng ICI sa law enforcement agencies na agad na ipreserba ang lahat ng dokumento, gadgets, at computers ni Cabral para sa digital forensic examination.

Natagpuan si Cabral na patay na matapos na mahulog umano sa bangin sa Kennon Road sa Tuba, Benguet kagabi.

Matatandaan na mariing pinabulaanan ni Cabral na sangkot siya sa budget insertions.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa ulat ng pulisya, bandang alas-3 ng hapon noong Huwebes ay bumiyahe si Cabral kasama ang kanyang driver patungong La Union. Hiniling umano niya na ibaba siya sa bahagi ng Maramal sa Kennon Road at pinauwi ang driver.

Bumalik ang driver bandang alas-5 ng hapon ngunit hindi na niya nakita si Cabral. Humingi siya ng tulong sa pulisya bandang alas-7 ng gabi.

Natagpuan ng mga pulis ng Baguio City Police Office si Cabral sa gilid ng Bued River gabi.