Tuguegarao City – Muling nakapagtala ng isang panibagong kaso ng COVID-19 ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) kahapon.
Ito ay batay sa kumpirmasyon at pinakahuling datos na inilabas ng Department of Health Region 2.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay, Oliver Baccay ng Philippine Information Agency (PIA), nagpositibo sa sakit si PH 3668, lalaki at mula sa lungsod ng Tuguegarao na may travel history mula sa Metro Manila.
Aniya, ang pasyente ay isang health worker at sumama sa Manila upang tumulong sa surveillance team ng DOH noong kasagsagan ng pagdami ng COVID-19 cases sa lugar.
Nakaramdam umano si PH 3368 ng pag-ubo at pangangati sa lalamunan at ng isailalim sa swab testing ay nagpositibo ito sa naturang virus.
Positibo aniya ang mga medical personnel na magiging mabilis ang paggaling ng pasyente dahil sa ngayon ay stable naman ang kalagayan nito.
Muling naman aniyang nagbabala ang DOH Region 2 sa mga gumagamit ng rapid anti-body testing na dapat ay aprupado ito ng Food and Drug Administration (DFA).
Paliwanag ni Baccay na dapat isinasagawa umano ang anti-body testing sa mga pasilidad na may sapat na kakayanan upang matukoy na tama ang resulta ng pagsusuri.
Samantala, bagamat wala pang ibinabang guidelines sa pagsasagawa ng mass testing ay pinaghahandaan na ito ng mga otorida at isa sa prioridad na isailalim dito ay ang mga frontliners na umaasikaso sa mga pasyente ng COVID-19.