Bukas na para sa mga turista ang ika-apat na Farm Tourism sites sa Cagayan Valley kasabay ng inilunsad na Kulinarya 2022 sa COURAGE Integrated Farm na matatagpuan sa Brgy Bansing, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Ayon kay Department of Tourism (DOT) Region 2 Director Fanibeth Domingo, kasabay ng pagpapasinaya at DOT-accredited na ay bukas na ang bagong farm tourism attraction sa mga turistang nais mamasyal.
Bukod sa mga magagandang tanawin na makikita ay tampok din sa COURAGE Integrated Farm ang mga souvenirs, lokal na pagkain ng probinsiya at ang tradisyonal na paghahanda nito tulad ng rabbit meat.
Matatandaan na una nang inilunsad ng DOT ang Caranguian Integrated Farm sa Iguig, Cagayan; Manalo-Taguba Eco Park sa Angadanan, Isabela at JLP Farm sa bayan ng Diffun Quirino.
Bagama’t tumatanggap sila ng mga walk-in na lokal na turista ay pinaaalalahanan ni Domingo na mayroong proseso na dapat sundin tulad ng pagpapakita ng vaccination card na nagpapatunay na fully-vaccinated ang isang indibidwal.
Nasa minimal lang din ang rate ng entrance fee sa naturang mga farm.
Kaugnay nito, tiwala si Domingo na unti-unti nang nanunumbalik ang sigla ng turismo lalo’t nasa alert level 2 na ang buong rehiyon.