Naitala ng Batanes ang ika-anim na kaso ng pagkamatay dahil sa COVID-19 nitong Linggo, Enero-16.
Iniulat ng Provincial Government na isang 80-anyos na lalaki at returning resident sa bayan ng Ivana ang nasawi dahil sa naturang sakit.
Siya ay dumating sa Batanes noong Sabado, ika-15 ng Enero lulan ng Philippine Airline galing Maynila at isinugod kinagabihan sa Batanes General Hospital dahil sa hirap sa paghinga, subalit madaling araw ng Linggo ay pumanaw na ang pasyente.
Positibo aniya ang pasyente sa COVID-19 base sa resulta ng kanyang swab test subalit mayroon din siyang comorbidity o malubhang karamdaman na pinalala ng virus.
Maituturing namang closed contact ang mga pasaherong nakasabayan ng pasyente kung saan kailangan nilang tapusin ang 14-day mandatory quarantine.
Samantala, muling naitala ang mahigit isang daang panibagong positibong kaso ng COVID-19 sa loob lamang ng isang araw sa Tuguegarao City.
Batay sa pinakahuling datos ng City Health Office nitong ika-15 ng Enero, umakyat pa sa 1,418 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa rehiyon matapos madagdagan ng 131 na bagong kaso.
Sa parehong araw, naitala rin ang 61 na bagong gumaling sa COVID-19 habang wala namang naiulat na nasawi.