
Nahaharap sa ika-apat na impeachment complaint si Bise Presidente Sara Duterte matapos magsampa ng reklamo ang abogadong si Atty. Nathaniel Cabrera sa Office of the House Secretary General nitong Miyerkules.
Ayon sa reklamo, inaakusahan si Duterte ng culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, graft and corruption, at iba pang mabibigat na krimen.
Inihain ang reklamo ilang oras matapos niyang ihayag ang intensyong tumakbo sa pagkapangulo sa 2028 national elections.
Inendorso ang ika-apat na reklamo nina House Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega V at Manila 6th District Representative Bienvenido Abante Jr..
Kabilang sa mga batayan ng reklamo ang naunang pahayag umano ng Bise Presidente na kumuha siya ng isang assassin upang “patayin” ang Pangulo, ang Unang Ginang, at dating House Speaker na si Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.
Binanggit din sa reklamo ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, kabiguang magdeklara nang tapat at buo ng kanyang assets, liabilities, and net worth (SALN), pati na ang umano’y bribery at mga gawaing hindi umano naaayon sa dignidad at tungkulin ng Bise Presidente.
Ilan sa mga ebidensyang kalakip ng reklamo ay ang sinumpaang salaysay ni Ramil Madriaga na nagpakilalang bagman umano ni Duterte; mga liquidation at accomplishment report ng Office of the Vice President at Department of Education; Notice of Disallowance at audit observations ng Commission on Audit; mga sertipikasyon mula sa Philippine Statistics Authority hinggil sa umano’y mga tumanggap ng confidential funds; at mga transcript ng pagdinig sa Kongreso.
Samantala, iginiit ng legal team ng Bise Presidente na ang sunod-sunod na paghahain ng reklamo ay hindi nangangahulugang nagiging totoo ang mga paratang.
Anila, sasagutin nila ang mga alegasyon sa tamang panahon at alinsunod sa Konstitusyon at umiiral na mga patakaran.










