Kinumpirma ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na paparating na sa bansa ang ikalawang batch ng BrahMos supersonic missiles mula India.
Ayon kay Teodoro nai-deliver na sa Pilipinas ang ikalawa sa tatlong cruise missile system na unang binili ng bansa noong 2022.
Aniya, dumating ang unang batch noong Hunyo ng nakaraang taon, na may shore defense capabilities at kayang tumarget mula 290 hanggang 400 kilometro.
Ang BrahMos ay gawa ng isang Indian-Russian company at kilalang mas mabilis pa sa ‘speed of sound’.
Sinabi ni Teodoro, na sa ngayon pinag-aaralan pa ng pamahalaan kung saan ito epektibong ilalagay, lalo na sa layuning maprotektahan ang West Philippine Sea.
Bukod sa BrahMos, nasa bansa na rin ang hiram na Typhon medium-range missile at Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System (NMESIS) anti-ship missile mula Amerika para sa nagpapatuloy na Balikatan exercises.
Matatandaang ipinanawagan ng China na tanggalin ang US missile system sa bansa na mariin namang tinutulan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.