Maghahain ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ng ikalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ngayong araw na ito sa Kamara, pitong araw bago ang Christmas break ng Kongreso.
Sinabi ng grupo na ang bagong reklamo ay lalagdaan umano ng 50 kinatawan mula sa mga organisasyon ng kanilang network, maging ng ibang concerned citizens.
Ayon kay Bayan president Renato Reyes, na magsisilbing lead complainant, tutukuyin lamang sa reklamo ang isa sa anim na grounds for impeachment, ang betrayal of public trust, na may kaugnayan sa paggamit sa P612 million confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education mula 2022 hanggang 2023.
Ang nasabing reklamo ay iindorso ng opposition Makabayan lawmakers ACT Teachers Rep. France Castro, Gabriela Rep. Arlene Brosas, and Kabataan Rep. Raoul Manuel, na unang bumatikos kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa paghikayat nito sa mga kaalyado niya sa Kamara na huwag maghain ng impeachment complaint laban kay Duterte.
Magsisilbi namang legal counsel ng grupo si dating Bayan Muna representative Neri Colmenares.
Matatandaan na ang unang impeachment complaint ay inihain noong Lunes ng mga kinatawan ng civil society organizations, religious leaders, sectoral representatives, at pamilya ng biktima ng extrajudicial killings.
Nagsilbing mga complainant sa reklamo sina Teresita Quintos Deles, Fr. Flaviano Villanueva, Fr. Robert Reyes, Randy Delos Santos (tiyuhin ng Tokhang victim na si Kian Delos Santos), Francis Aquino Dee, Leah Navarro, Sylvia Estrada Claudio, Alicia Murphy, Sr. Mary Grace De Guzman, at dating Magdalo Rep. Gary Alejano, at iba pa.
Naging basehan ng impeachment complaint laban kay Duterte ang betrayal of public trust, culpable violations of the Constitution, at iba pang krimen.