Tuguegarao City- Nanawagan ang Regional Council for Disability Affairs (RCDA) na dapat ikonsidera ang mga ilalatag na panuntunan sa pagboto ng mga kabilang sa hanay ng Persons with Disabilities (PWD) at Senior Citizen.
Ito ay alinsunod sa usapin kaugnay pagsusulong na dapat unang bumoto ang mga PWDs kasama na ang mga senior citizen na itinuturing na vulnerable ngayong panahon ng pandemya.
Sa panayam kay Amalia Decena ng RCDA at kinatawan ng NAPC, nais nilang masiguro na hindi maisasantabi at mababalewala ang karapatang bumoto ng mga kabilang sa grupo sa 2022 election.
Karapatan aniya ng mga PWDs at senior citizen ang bumoto sa gitna ng pandemya kaya’t nais nilang malaman ang mga hakbang para makagawa ng paraan para sa kanilang kaligtasan laban sa virus.
Panawagan nito na dapat gumawa ang pamahalaan ng mga hakbang sa ligtas at madaling proceso para sa pagboto ng mga ito.
Samantala, sa ngayon ay patuloy aniya ang NAPC sa pagsasagawa ng Socail Amelioration (SAP) Survey para matukoy ang bilang ng mga dapat na makatanggap ng ayuda na hindi nabigyan.
Ito ay bunsod na rin ng maraming reklamo na may mga kwalipikadong benepisyaryo ang hindi nakatangap ng tulong halimbawa nalamang aniya ng mga PWDs na namumuhay ng mag-isa at mga hindi pinapayagang makapagtrabaho ngayong pandemya.
Kaugnay nito ay tiniyak niya na gagawin nila ang lahat ng mga hakbang upang mapabuti ang serbisyong maiibibigay sa mga PWDs at mga senior citizens na dapat tulungan ng pamahalaan.