Nakakuha ng karagdagang mga sako ang Philippine Coast Guard (PCG) sa ilalim ng Taal Lake sa unang ng pagsisid nila sa lawa ngayong araw.
Matapos ang isinagawang site assessment kahapon, nagtalaga ang PCG ng 30 technical divers kaninang umaga para hanapin ang mga labi ng missing sabungeros.
Ayon sa Department of Justice (DOJ) nakatanggap sila ng impormasyon na may nakatali na sandbag sa mga sako na naglalaman ng pinaniniwalaang mga labi para matiyak na lulubog ang mga ito sa ilalim ng lawa.
Sinabi ni PCG spokesperson Captain Noemie Cayabyab na tatlong teams ang itinalagang magsagawa ng diving operations sa mga lokasyon na pinaniniwalaan na dumping sites ng mga nawawalang sabungero tatlong taon na ang nakalilipas.
Ayon kay Cayabyab na handang-handa ang technical divers, at kumpleto sila sa equipment.
Bukod dito, sinabi niya may inaasahan silang darating na isang underwater remote operated vehicle.
Sa paunang paghahanap, nakakuha ang PCG ng puting sako na naglalaman ng mga sinunog na mga buto malapit sa dalampasigan.
Isasailalim sa forensic analysis ang mga nasabing bagay upang kumpirmahin kung ito ay mga buto ng tao, at kung ito ay may kaugnayan sa nawawalang sabungero.