Kinumpirma ni Governor Manuel Mamba ng Cagayan na may isinailalim sa culling na ilang baboy sa Brgy. Dagupan sa Tuao, Cagayan.
Ito ay matapos na magpositibo ang mga ito sa African Swine Fever.
Bukod dito, nagsagawa na rin ng disinfection ang mga kinauukulan sa nasabing lugar upang matiyak na hindi na kakalat ang nasabing sakit ng mga baboy.
Kaugnay nito, sinabi ni Mamba na hinihintay na rin ang resulta ng pagsusuri sa isinumiteng samples ng mga baboy mula sa Centro, Estafania at Calamagui sa Amulung East at sa La Suerte sa Amulung West at maging sa Parogparog, Solana.
Dahil dito, sinabi ni Mamba na hindi niya pinagbigyan ang kahilingan ng LGU Tuguegarao na payagan na makapasok ang mga baboy dito sa lungsod mula sa Ilocos.
Iginiit niya na bawal ang pagpasok ng mga baboy at pork products sa lalawigan upang matiyak na hindi na lalala ang problema sa ASF