TUGUEGARAO CITY- Dalawang bahay sa bayan ng Pasil, Kalinga ang kinailangan na i-demolish matapos na masira dahil sa malakas na lindol kahapon.
Sinabi Mayor Alfredo Malannag Jr., na 129 na mga bahay na napinsala ng lindol ang delikado ng tirhan at kailangan na gibain subalit nasa pagpapasiya na ito ng may-ari ng bahay bukod pa sa dalawang totally damaged.
Ayon sa kanya, may ilang gusali kabilang ang ilang paaralan ang napinsala ng lindol.
Bukod sa mga bahay ay nasira din ang water system sa Pasil matapos na maputol ang mga water pipes na nadaganan ng malalaking bato.
Dahil dito, sinabi niya na ang kanilang pansamantalang water source ay sa mga malalapit na spring.
Umaabot naman aniya sa 423 families na binubuo ng 1,784 individuals ang inilikas kung saan karamihan sa mga ito ay nasa limang evacuation centers habang ang iba ay nakituloy sa kanilang mga kamag-anak.
Sinabi niya na posibleng madagdagan pa ang nasabing bilang ng mga pinsala dahil sa hindi pa nakakarating sa kanilang tanggapan ang damage report sa limang barangay na hindi accessible at wala rin signal ng telepono.
Ayon pa kay Malannag, nabuksan na nila ang mga kalsada na naharangan dahil sa landslides at rockslides habang aabutin naman ng tatlong araw bago mabuksan ang Lubuagan-Pulayo-Batongbuhay road.
Kaugnay nito, sinabi niya na nagdala na ang Provincial Social Welfare and Development ng Kalinga ng 400 food packs at non-food items para sa mga evacuees.
Ayon kay Malannag, P10.5m ang initial na halaga ng pinsala na iniwan ng lindol sa kanilang bayan.