Isolated ngayon ang ilang barangay sa bayan ng Abulug, Cagayan bunsod ng matinding pagbaha sa kanila ng pagbuti na ng panahon kasunod ng pananalasa ng bagyong Egay.
Dahil dito, nagkukumahog ngayon ang mga rescue team sa paglikas sa mga mamamayan mula sa 10 barangay na binabaha.
Sinabi ni Arnold Azucena ng Task Force Lingkod Cagayan na hindi inasahan ng mga residente ang biglang pagtaas ng tubig mula sa Abulug River na nagbunsod ng matinding pagbaha.
Dahil dito, sinabi niya na may ilang residente ang umakyat na sa bubong ng kanilang mga bahay dahil sa lampas-tao na ang tubig-baha.
Ayon kay Azucena, galing ang tubig mula sa lalawigan ng Apayao.
Sinabi pa ni Azucena na lubog na rin sa tubig-baha ang national highway sa Barangay Libertad na nagbunsod ng pagkaka-stranded ng ilang motorista na tumuloy sa mga barangay hall.
Ayon sa kanya, tumutulong na rin sa kanila sa rescue operation ang Task Force Lingkod Cagayan mula sa Ballesteros at Lallo at uniformed personnel.
Sa ngayon ay umaabot na aniya sa mahigit 200 families ang lumikas sa mga evaciation centers.
Kaugnay nito, sinabi ni Wilzon Valdez ng Department of Public Works and Highways Region 2 na impassable ngayon ang Manila North Road sa Calog Sur sa Abulug na papunta sa Ilocos Region at sa mga bayan ng Santa Praxedes at Claveria, Cagayan.
Ayon sa kanya, naka-standby ang mga personnel ng ahensiya para sa gagawing clearing operation sa sandaling humupa na ang tubig-baha.