Dinala ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan ang tatlong dumptrucks sa bayan ng Claveria para tumulong sakaling magsagawa ng rescue operation dahil sa 14 na barangay na ang hanggang sa tuhod na ang baha dahil sa ilang araw nang pag-ulan.
Bukod dito, sinabi ni Rueli Rapsing, head ng Task Force Lingkod Cagayan na ipapadala na rin nila ang kanilang floating assets sa bayan ng Pamplona dahil din sa mga pagbaha at maging sa bayan ng Sanchez Mira.
Sinabi pa ni Rapsing na nakatutok na rin sila sa iba pang mga bayan sa Cagayan na posibleng makakaranas din ng mga pagbaha at inabisuhan ang lahat ng mga opisyal na magsagawa na ng preemptive evacuation dahil sa patuloy na pagtaas ng lebel ng tubig sa ilog Cagayan.
Nagsasagawa na rin ng clearing operation sa landslide sa Brgy. San Juan, Santa Praxedes.
Bukod kasi sa walang tigil na buhos ng ulan, nagpapakawala ngayon ng tubig ang Magat dam sa may Isabela dahil sa malapit na ito sa spilling level.
Ang ilog Cagayan ang nagsisilbing catch basin ng tubig mula sa dam at maging sa mga tubig ulan mula sa mga kabundukan sa mga kalapit na lalawigan.
Samantala, muli ding nakakaranas ng pagbaha ang Sta. Felomena sa Calanasan, Apayao.
Ayon kay Joeffrey Borromeo, PDRRMO officer ng Apayao na nagkaroon din ng flashflood sa nasabing lugar.
Gayonman, sinabi niya na wala pang inilikas na mga residente.