Nakatutok ngayon ang surveillance team ng Cagayan Provincial Veterinary Office para sa pagsasagawa ng biosecurity and control measures laban sa pagkalat ng African Swine Fever.

Ito ay matapos makapagtala ng kaso ng ASF sa Brgy. Malalinta, Tuao, Brgy.Nangalisan sa Solana at sa Roma, Enrile kung saan aabot sa halos 30 baboy ang isinailalim sa culling procedure matapos magpositibo sa sakit.

Ayon kay Dr. Nolie Buen, Provincial Veterinarian, dapat mapaigting ang paglalatag ng mga hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng virus kung kayat patuloy naman ang pangongolekta ng mga miyembro ng itinalagang surveillance team ng mga samples upang masuri ang kondisyon ng mga alagang baboy sa probinsya.

ipinaalala rin niya sa lahat ng mga barangay sa probinsya na alertohin ang kanilang mga biosecurity officers dahil may kapasidad naman sila upang magmonitor sa kaso ng ASF sa mga komunidad dahil may sapat at wasto silang mga training.

Sa pamamagitan aniya nito ay mas mapapadali ang pag-contain sa virus ng hindi na ito kumalat at makaapekto pa sa ibang mga bayan.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay mahigpit aniyang binabantayan ng mga otoridad ang pagluluwas ng mga alaga at karneng baboy maging ng mga pork products mula sa mga apektadong lugar upang matiyak na hindi kumalat ang ASF sa Cagayan.