TUGUEGARAO CITY-Suspendido ang klase mula Pre-school hanggang senior high school ang bayan ng Abulug, Amulung, Allacapan, Rizal, Sta Praxedes, Sto niño, Buguey at Sta Ana dahil sa nararanasang pag-ulan dulot ng Bagyong “Sarah”.

Sa naging panayam sa mga alkalde ng mga nasabing bayan, bahagyang tumataas ang ilog sa kanilang mga nasasakupang lugar kung kaya’t delikado ito para sa mga mag-aaral na tatawid.

Layon nitong masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa posibleng pagtama ng nasabing bagyo sa probinsiya.

Samantala, sinabi naman ni Michael Conag ng Office of the Civil Defense (OCD)-Region 2, nasa 2,138 pamilya ang kasalukuyang nasa iba’t-ibang evacuation center sa Cagayan at Isabela na binubuo ng 6,437 individuals dahil sa naranasang pagbaha at landslide.

Ayon kay Conag, aasahan pa ang paglaki ng bilang ng mga evacuees hanggat hindi tumitila ang pag-ulan.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito,nasa 24 naman na pasahero sa mga pantalan partikular sa Aparri at claveria na magtutungo sa Isla ng calayan ang stranded dahil sa bagyo.

Pansamantala namang naninirahan ang mga ito sa kanilang mga kamag-anak sa lugar habang ang iba ay nanatili sa pantalan.

Samantala,sinabi ni Conag na impassable pa rin ang Bagunut at Abusag overflow bridge sa bayan ng Baggao at Tawi overflow bridge sa bayan ng Peñablanca maging ang Pinacanauan na Tuguegarao de avenue ay isinara narin sa mga motorista dahil sa pagtaas ng tubig.