Kinukumpirma pa ng mga awtoridad sa lalawigan ng Apayao ang ulat na may natabunan na ilang campers matapos ang landslide sa Kabugao, Apayao, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Sinabi ni Kapitan Benji Amid ng Barangay Badduat, sa paunang impormasyon na kanilang natanggap, maraming kalalakihan ang posibleng nakulong nang gumuho ang lupa sa isang bahagi ng Purag Creek, bunsod ng walang tigil na buhos ng ulan.

Ayon sa kanya, nahihirapan ang mga responders na makarating sa lugar dahil sa limitadong road access, kaya hindi pa nila alam ang estado ng mga camper.

Sinabi naman ng PDRRMO, may ipinadala nang search and rescue teams mula sa 98th Infantry Battalion, Kabugao disaster responders and retrieval units, local police, firefighters, at personnel mula sa mobile force battalion.

Nagsasagawa na rin ng clearing operations ang crew ng Department of Public Works and Highways sa mga natabunan na mga kalsada para makadaan ang mga responder para sa rescue operations.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ng PDRRMO na nangyari ang landslide matapos ang ilang araw na pagbuhos ng malalakas na ulan.

Samantala, maraming landslides ang naiulat sa bayan ng Calanasan.

Naharangan ng pag-agos ng putik at landslides ang detour road at Annaran Bridge sa Madalagudug River sa Barangay Butao, habang may naitala din na landslides sa Tubungan, Namaltugan, Kabugawan, Poblacion, at Eva.