Isiniwalat ni Senador Panfilo Lacson na may ilang district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nang-aagaw ng proyekto ng contractor dahil sa kagustuhan na kumita rin sa proyekto ng gobyerno.
Ayon kay Lacson, magbibigay siya ng privilege speech sa Senado tungkol sa mga natuklasan nitong korapsiyon sa mga proyekto ng gobyerno kung saan pati na mga opisyal ng DPWH ay sangkot.
Isa sa binanggit ng senador ay ang isyu ng pang-aagaw o pang-aarbor ng mga district engineer sa kontratang napanalunan ng contractor.
Hindi umano makapalag ang mga contractor na inagawan ng proyekto sa takot na hindi na sila bigyan ng proyekto ng DPWH.
Ang mga district engineer, ani Lacson, ay may sarili umanong construction company kaya naman malaki ang kinikita ng opisyal sa pang-aagaw ng proyekto.
Noong magdeklara ng giyera si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa huling State of the Nation Address (SONA) tungkol sa mga kumukurakot sa flood control project, sinabi ni Lacson na nabulabog ang mga district engineer pero mas lalong kawawa ang mga contractor dahil pangalan nila ang nakalista sa proyekto.
Ibinunyag din ng senador ang iba pang modus sa mga ghost project ng gobyerno kung saan mayroon umano siyang mga nakitang proyekto na pinondohan sa loob ng dalawang taon pero walang natapos na proyekto.
Sa ikatlong taon, muli itong pinondohan sa 2025 national budget at saka pa lamang uumpisahan ngayon ang proyekto.
Talamak din umano ang mga substandard na proyekto upang makamenos sa gastos ang mga contractor.
Kung halimbawa ay 150 talampakan ang lalim ng huhukayin, ginagawa lang 50 talampakan para makamenos sa gastos.