
Kabilang ang entrepreneurs na sina Jonathan So at Carlito Macadangdang sa mga iniimbestigahan kaugnay ng diumano’y iregularidad sa mga flood control project, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, kabilang si So sa mga indibidwal na kasalukuyang iniimbestigahan kaugnay ng mga proyekto ng Topnotch Catalyst Builders, isa sa mga kontratista na nahaharap sa mga reklamo sa flood control scandal.
Sakop din umano ng imbestigasyon si Macadangdang.
Sina So at Macadangdang ay kilala bilang entrepreneurs na nagsimula sa maliit na siomai franchise bago lumawak ang kanilang negosyo.
Ayon sa mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council na sinuri ng kapatid na site ng Abante na Bilyonaryo, ang kayamanan ng dalawa ay hindi basta-basta lumago sa paglipas ng panahon.
Napansin ang mabilis na paglago ng kanilang financial activity simula nang pumasok ang kanilang kompanya, ang JC Premiere Business International, sa mga DPWH flood control project noong 2019 sa kabila ng paid-up capital na P31,249.50 lamang.










