Pansamantalang ikinulong ang mahigit 10 Filipino teachers na may hawak na J-1 non-immigrant visas ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) sa Hawaii kasunod nang isinagawang pagsalakay sa isla ng Maui.

Kinumpirma ni Hawaii Consul General Arman Talbo na ang mga nasabing guro, na nagtatrabaho sa maraming eskwelahan sa Maui ay isinailalim sa verification procedures at wala sa kanila ang inaresto ng federal agents.

Sinabi ni Talbo, nakipag-ugnayan ang Philippine Consulate General sa Honolulu sa mga nasabing guro sa Maui na apektado ng U.S. Immigration and Customs Enforcement (ICE) operation.

Ayon sa kanya, wala namang hinuli sa kanila at sila ay ligtas at nasa maayos na kundisyon.

Sinabi ni Talbo na sinusubaybayan nila ang sitwasyon at handa ang Philippine post sa Hawaii na magbigay ng tulong sa mga nasabing guro.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa U.S. Department of Homeland Security, ang mga nasabing guro ay isinailalim sa statutory law enforcement authority at isinasailalim sila sa immigration verification.

Umaabot sa mahigit 100 Filipino teachers na nagtatrabaho sa iba’t ibang isla sa Hawaii.