TUGUEGARAO CITY- Umaasa ang ilang grupo na pakikinggan at maipapasa bilang batas ang Rights of Nature Bill na inihain ni Senator Risa Hontiveros.
Sinabi ni Atty. Macki Maderazo, legal counsel ng Philippine Misereor Partnership Inc.na isang hamon na maipasa ito sa kongreso subalit umaasa sila na pakikinggan ng mga mambabatas ang layunin ng nasabing panukalang batas.
Ayon kay Maderazo, layunin ng panukalang batas na maisalba ang ating kalikasan mula sa mga mapanirang mga aktibidad ng mga tao para sa susunod na mga henerasyon.
Sinabi niya na napapanahon ang nasabing panukala dahil sa nakakabahala aniya ang isang pag-aaral na sa susunod na 10 taon ay lalalo ang problema sa climate change na magbubunsod naman ng mas matinding problema sa mga tao.
Idinagdag pa ni Maderazo na layunin din nito na mabago ang lifestyle ng mga mamamayan lalo na ang mga kabataan ngayong patuloy ang pag-usbong ng teknolohiya na contributor din ng unt-unting pagkasira ng kalikasan.
Sinabi ni Maderazo na laman ng batas ang parusang habangbuhay na pagkakakulong at multa depende sa ginawang sira sa kalikasan o sa mga likas yaman at sa eco-system.
Idinagdag pa ni Maderazo kahit sino ay pwedeng maghain ng kaso laban sa mga lalabag sa nasabing batas.
Sinabi pa ni Maderazo na bagamat may mga environmental laws subalit hindi nito saklaw ang karapatan ng kalikasan.