Nawasak ang ilang istruktura sa Valley Cove Integrated School at isang Day Care Center sa Sta.Margarita, Baggao, Cagayan dahil sa pananalasa ng bagyong Ofel.
Ayon kay Narciso Corpuz head ng MDRRMO sa bayan ng Baggao, nagkalat ang mga natanggal na bubong at yero sa nasabing eskwelahan dahilan upang ilang kagamitan rin ang nadamay at nasira.
Aniya, sa ngayon ay inaalam pa ang bilang ng mga nasirang kabahayan sa nasabing lugar dahil pahirapan rin ang komunikasyon habang wala namang naitalang pinsala ng mga istruktura o kabahayan sa sentro ng nasabing bayan maliban na lamang sa mga palayan na nalubog ng baha.
Ang Sitio Valley Cove ay siyang coastal area ng nasabing bayan na may kalayuan rin sa sentro nito.
Dagdag pa ni Corpuz na bago pa man naglandfall ang nasabing bagyo ay may mga inilikas na rin sa evacuation center na aabot naman sa mahigit 1,000 families.
Maalala na kaninang 1:30 ng hapon ay naglandfall ang Bagyong Ofel sa bayan ng Baggao.