TUGUEGARAO CITY-Nananatiling delikado hanggang sa ngayon ang mga bahay ng ilang mga evacuees sa bayan ng Abulug, Cagayan kasunod ng naranasang malawakang pagbaha sa lugar.
Ayon kay Mayor Jeff Vargas ng Abulug, hindi nila pinayagang makauwi ang ilan sa mga residente sa kanilang tahanan kahit na humupa na ang baha dahil delikado nang tirhan ang kanilang bahay.
Aniya,nasa 80 percent ang binahang barangay sa kanyang nasasakupan kung saan pumalo sa 5,895 ang apektadong pamilya sa malawakang pagbaha.
Pagkukuwento ni Vargas, ito ang kauna-unahang pagkakataon na kanyang naranasan ang malawakang pagbaha na umabot pa sa dalawang araw bago ito humupa.
Nasa 38 na kabahayan ang inanod ng tubig baha at isang barangay ang totally affected na kinabibilangan ng Barangay Dana Ili.
Kaugnay nito, sinabi ni vargas na kanilang pag-uusapan at titignan kung ano ang unang maibibigay na tulong sa mga evacuees.