Tuguegarao City- Pansamantala munang ipinasara ang mga pangunahing lansangan sa bahagi ng Tuguegarao City Commercial Center upang maiwasan ang pagpasok ng mga sasakyan sa lugar.
Ito ay alinsunod sa ipinasang ordinansa na naglalayong higpitan pa ang pagpapatupad ng social distancing sa mga namimili dahil sa mahabang pila.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty Reymund Guzman, ito ay hakbang ng lokal na pamahalaan ng Tuguegarao City upang maiwasan ang pagkalat ng virus sa lungsod.
Paliwanag nito ay tanging mga sasakyan lamang ang hindi makakapasok sa loob ng commercial center habang maaari pa ring mamili ang mga residente.
Kabilang sa mga lansangang isinara ay ang bahagi ng Bonifacio St., mula Washington hanggang Luna St., Del Rosario St., mula Washington St.-Luna St., Burgos St. mula Washington St.- Burgos St., Gomez St mula Blumentrit hanggang Taft St. at Gonzaga St. mula Blumentrit hanggang Taft St.
Samantala, hiningi naman nito ang kooperasyon ng publiko na sumunod sa mga ipinatutupad na precautionary measures upang maiwasan ang paglaganap ng COVID-19 sa lungsod.