
Isiniwalat ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na ilang kongresista umano ang nakatanggap ng P2 milyong “Christmas bonus” kasabay ng ratipikasyon ng bicameral conference committee report sa proposed 2026 budget.
Ayon kay Leviste, noong Oktubre rin, may ilang mambabatas na nakatanggap ng P1.5 milyon, na hango sa budget ng House para sa maintenance at operating expenses.
Idinagdag niya na buwan-buwan ay may humigit-kumulang P1 milyon kada miyembro, at umaabot sa P20 milyon kada taon ang MOOE at sweldo ng isang kinatawan.
Samantala, mariing pinabulaanan ng House leaders ang alegasyon.
Ayon kay House Committee on Appropriations Chair Mikaela Suansing, walang Christmas bonus at hindi pinipilit ng liderato ang mga kongresista sa kanilang pagboto.
Pinaliwanag naman ni House Deputy Speaker Ronaldo Puno na ang karagdagang pondo ay para sa proyekto at aktibidad sa distrito, gaya ng Christmas programs at health activities, at hindi personal na incentive.
Aniya, ang mga miyembro ay maaaring magrekomenda ng proyekto, ngunit ang huling desisyon ay nasa ahensya pa rin, at ang mga pondo ay hindi direktang pagmamay-ari ng kongresista.









