Umapela ang Philippine National Police sa publiko na tigilan na ang mga haka-haka at pagkakakalat ng fake news kaugnay sa insidente ng indiscriminate firing at iba pa na iniuugnay sa tribal conflict sa pagitan ng Basao at Biga tribe sa Kalinga.
Ayon kay PCapt Ruff Manganip, tagapagsalita ng PNP Kalinga, maituturing na isolated case ang pagkakasugat ng isang 12-anyos at grade 7 na estudyante matapos mabaril sa kanyang daliri at binti habang naglalakad pauwi sa naganap na indiscriminate firing sa Brgy Bulanao, Tabuk City.
Tiniyak rin nito na patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa nangyaring pamamaril noong nakaraang Linggo na ikinamatay ng isang 22-anyos na miyembro ng Basao tribe kung saan mayroon nang dalawang person of interest (POI) na tinututukan ang pulisya.
Kasunod ito ng sinasabing paghihiganti ng Biga tribe sa pagkasawi ng isang menor de edad na binata at pagkasugat ng isa pa nilang miyembro kung saan sumuko naman ang dalawang menor de edad na suspek sa nangyaring pamamaril noong July 10, ngayong taon.
Aminado naman si Manganip na nagdulot ng takot sa mamamayan na posibleng makaapekto sa ekonomiya ng lalawigan ang naturang tribal conflict na pinalala pa ng mga fake news na kumakalat sa social media.
Patuloy naman aniyang nakikipaguganayan ang pulisya sa ibat-ibang sektor, kabilang na ang Kalinga Bodong Council of Elders para sa pagkakaroon ng ‘sipat’ na isa sa mga proseso ng Bodong o ang Peace Pact system ng Kalinga upang maresolba ang hidwaan sa pagitan ng dalawang tribo.