Nakatakdang dumulog sa Department of Agriculture ang grupong Bantay Bigas kaugnay sa reklamo sa pamamahagi ng cash assistance sa mga magsasaka sa bansa na naapektuhan ng pagbagsak ng presyo ng palay noong nakaraang taon.
Batay umano sa mga natanggap na reklamo, sinabi ni Cathy Estabillio ng nasabing grupo na may ilang Local Goverment Units (LGUs) ang namahagi ng P5,000 cash grants sa hindi kwalipikadong mga magsasaka.
Ayon kay Estabillio, kahit wala sa listahan ay binigyan umano ng cash grant kung kaya nanawagan ang grupo na busisiin ng DA ang masterlist ng mga kwalipikadong magsasaka.
Matatandaang sinimulan na ng DA sa pamamagitan ng mga LGUs ang pamamahagi ng cash assistance sa mga magsasaka.