

Nasa “Low” at ‘Moderate’ na lamang ang Epidemic Risk Classification sa ilang mga lalawigan at lungsod sa Region 2, base sa datos ng Department of Health Region 2.
Ayon kay Dr. Ma. Angelica Taloma ng DOH-RO2, ang Average Daily Attack Rate (ADAR) o bilis ng pagdapo ng virus sa buong rehiyon ay bumaba sa nakalipas na dalawang linggo.
Gayunman, patuloy na tinututukan ng kagawaran ang Tuguegarao City na nakapagtala ng pinakamataas na ADAR sa 35.49 cases per 100,000 population.
Sa ngayon, maituturing nang nasa Low Risk Classification ng pandemya ang dalawang Lungsod sa Isabela na kinabibilangan ng Santiago at Ilagan mula sa dating “moderate”.
Bumaba naman sa moderate status ang mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino kabilang ang Tuguegarao City at Cauayan City na mas mababa kumpara sa dati nitong status na ‘critical’ sa nakalipas na buwan.
Habang nananatii namang nasa ‘minimal’ classification ang lalawigan ng Batanes dahil wala na itong aktibong kaso ng COVID-19.
Kasabay nito, bumaba na ang hospital bed at mechanical ventilator utilization para sa mga pasyente ng COVID-19 sa buong rehiyon.
Ayon kay Taloma, nasa moderate risk o 66% na lamang ang okupado sa mga kamang nakalaan para sa COVID-19 habang nasa low risk o 50% ang utilizaion rate para sa mechanical ventilator.
Bagamat bumaba ang mga klasipikasyon sa mga nabanggit na lugar, pinapalalahan pa rin ng kagawaran ang lahat na sumunod sa mga minimum health protocol dahil mataas pa rin ang bilang ng mga aktibong kaso sa bilang na 3,820 as of May 17, 2021.
Sa pinakahuling datos, umabot na sa 39,103 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa buong rehiyon mula nagsimula ang pandemya.
Sa naturang bilang ay 34,327 na ang gumaling sa sakit o 87.78 percent ng mga tinamaan ng virus.
Gayunman, nasa 2.41% o 944 ang naitalang nasawi may kaugnayan sa COVID-19.
Ayon kay Taloma, pinakamarami pa rin sa active COVID-19 cases ay naitala sa Tuguegarao City sa bilang na 691.




