Nakakaranas ng landslides at pagbaha ang ilang lugar sa Luzon dahil sa mga pag-ulan bunsod ng Northeast Monsoon o Amihan at shear line.
Sa Banaue, Ifugao, nagkaroon ng landslides sa ilang lugar kabilang ang Banaue – Mayoyao road.
Wala namang naiulat na nasaktan sa nasabing insidente.
Ayon sa state weather bureau, ang landslide ay bunsod ng Amihan dahil sa mga pag-ulan sa nasabing lugar.
Binabaha din ang ilang lugar sa Bulan, Sorsogon dahil sa shearline.
Pinasok ng tubig-baha ang ilang kabahayan sa ilang barangay, na nagbunsod para lumikas ang ilang residente.
Gumamit din ng balsa ang ilang residente para makatawid sa baha.
Nahirapan din ang mga motorista na dumaan sa isang tulay dahil sa malakas na agos ng tubig.
Ayon sa report, nasa 200 evacuees na ang bumalik sa kanilang mga tahanan kasabay ng paghupa ng tubig-baha.
Labing-isang barangay naman ang binaha sa Brooke’s Point sa Palawan, matapos na umapaw ang ilog.
Nasa 200 pamilya ang nananatili sa evacuation centers, habang ang ilang apektadong pamilya ay nakituloy sa kanilang mga kamag-anak.