TUGUEGARAO CITY-Nadagdagan pa ang bilang ng mga lugar sa lungsod ng Tuguegarao ang isinailalim sa containment strategy dahil sa pagtaas ng naitatalang kaso ng covid-19.

Ayon kay Mayor Jefferson Soriano ng Tuguegarao City, kabilang sa mga lugar na isinailalim sa street containment strategy ang bahagi ng Lecaros street zone 6, Brgy. Centro 5 at Maribbay street corner Luna street, Zone 4 ng Brgy. Ugac Sur habang home containment strategy naman sa isang tahanan sa ng Brgy. Cataggaman Nuevo at Zone 5 ng Brgy. Linao East.

Ang mga nasabing lugar ay isasailalim sa 14-day lockdown na nagsimula nitong Disyembre 16 na magtatagal hanggang 30.

Pinalawig naman ang Zonal containment Strategy sa Zone 3 ng Brgy. Linao East ng pitong araw, simula kahapon, Disyembre 16 hanggang 22 ng kasalukuyang taon.

Kaugnay nito, nilagyan ng barikada ang entrance at exit ng mga nasabing lugar kung saan ipapatupad ang curfew hour mula alas-sais ng gabi hanggang alas-sais ng umaga.

-- ADVERTISEMENT --

Pinagbabawalan rin lahat ng mga business establishment na mag-operate sa mga nasasaklawan ng lockdown sa oras ng curfew.

Hindi naman saklaw ng ipinapatupad na containment strategy ang mga magpapagamot, ngunit kailangan ay may rekomendasyon mula sa health authorities.

Pinapayagan din ang mga medical o health care workers na makalabas mula sa lugar ngunit hindi na papayagan pang makapasok hanggat hindi natatapos ang araw ng implementasyon.

Babala ng pamahalang panlungsod na maaring managot sa batas ang sinumang mahuhuling lalabag sa implimentasyon ng zoning containment.

Nabatid na unang isinailalim sa containment strategy ang burgos st. corner luna st ng Brgy. Centro 7 na nagsimula noong disyembre 5 hanggang bukas, Disyembre 18 at zone 2 Brgy. Linao Norte mula Disyembre 9 hanggang 22 ng taong kasalukuyan dahil pa rin sa pagtaas ng bilang ng covid-19 cases.

Sa ngayon, mayroon ng 101 na aktibong kaso ng covid-19 sa lungsod ng Tuguegarao.