TUGUEGARAO CITY-Umaabot na sa 30 barangay ang binabaha dito sa lungsod ng Tuguegarao.

Sinabi ni Maila Ting Que, 3, 057 families o mahigit 10, 000 na indibidual ang binabaha habang ang mga nasa evacuation center ay 1, 032 o binubuo ng 3, 498 individuals.

Ayon kay Que, posibleng madagdagan pa ang nasabing bilang dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig-baha bunsod ng pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam.

Sinabi ni Que na kasalukuyan ngayon ang kanilang monitoring at pagdadala ng mga relief goods sa mga apektadong mga pamilya.

Sinabi ng alkalde na pare-pareho ang laman ng mga ibinibigay nilang relief goods, magkakaiba lang ang packing ng mga ito.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, nagbabala si Que sa mga barangay kapitan na hindi nagbibigay ng report kaugnay sa kanilang mga residente na inililikas.

Binigyan diin ni Que na obligasyon ng mga punong barangay na ipagbigay alam sa kanilang tanggapan ang mga apektadong mga pamilya sa kanilang nasasakupan upang magkaroon din ng maayos na distribusyon ng mga ayuda at mga serbisyo.

Nagbabala si Que na sasampahan niya ng kaso ang mga nasabing barangay kapitan ng dereliction of duty.

Kasabay nito, nakikiusap si Que sa mga wala namang importanteng gagawin sa labas ng bahay na iwasan muna ang pagpunta sa mga malls at iba pa upang hindi na ito makadagdag sa pagsikip ng daloy ng trapiko.

Ganito rin ang apela niya sa mga pupunta sa mga sementeryo na dadalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay ngayong UNDAS.

Samantala, apat na gate na may dalawang metro ang nakabukas pa rin sa Magat dam.

Sinabi ni Michael Dimoloy, manager ng NIA-MARIIS, binawasan nila ang nakabukas na gate matapos na bumaba ang inflow ng tubig sa reservoir na nasa mahigit 2, 000 cubic meter per second mula sa dati na mahigit 5, 000 cubic meter per second nitong nakalipas na araw.

Ipinaliwanag ni Dimoloy na ang pagpapakawala ng tubig mula sa Magat ay sa abiso ng PAGASA.

Ayon sa kanya, una na silang nagsagawa ng preemptive water release subalit dinagdagan nila ang mga gate na binuksan matapos na umabot na sa spilling level ang magat sa 193 meters.

Sinabi ni Dimoloy na ang pagbabawas ng tubig mula sa dam ay upang maiwasan ang mas malaking pinsala.