TUGUEGARAO CITY-Binigyang parangal ng Department of Agriculture (DA) Region 02, ang ilang magsasaka, Farmers Cooperatives and Associations o FCAs at Local Government Units (LGUS)na nagsusulong ng pesticide safe sa mga agricultural crops dito sa rehiyon.

Kinilala bilang “Good Agricultural Practices practitioners” sina Janet Arboleda, Lawrence Arboleda at Cherry Ann Nartates ng Dupax del Norte,Leonardo Batinan at George Canuto ng Villaverde sa probinsiya ng Nueva Vizcaya.

Tinaguriang Certified Organic Farms naman ang anim na Farmers Cooperative and Associations mula sa Dupax del Norte, isa sa Bambang, isa sa Bayombong sa lalawigan parin ng Nueva Vizcaya habang isa naman sa bahagi ng Maddela, Quirino.

Ang Macabenga Farmers Association at Taise Vegetable Growers Association naman na nakapagtala ng 100% pesticide-safe na mga produkto ay binigyang parangal matapos ang aktuwal na pagsasagawa ng testing ng ahensya.

Pinakarami namang third-party certified organic farms sa buong rehiyon ang lalawigan ng Nueva Vizcaya.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, labis na ikinatuwa ni Regional Technical Director Rose Mary Aquino ang tuluy-tuloy na implementasyon ng Food Safety Act kung saan nagbunga na rin ang kanilang pagsisikap sa pagkakaroon ng ligtas na mga binebentang gulay sa merkado sa tulong ng mga magsasaka.

Nakatakda namang bibigyan ng kaparehong pagkilala ng naturang ahensya ang mga magsasaka na nasa probinsya ng Cagayan at Isabela na patuloy na nagsusulong sa pesticide safe sa mga agricultural crops.with reports from Bombo Efren Reyes Jr.