Handang handa na ang mangingisdang kasapi ng grupong PAMALAKAYA para sa dalawang araw na fishing expedition na sisimulan ngayong araw bilang tugon sa ipinataw na fishing ban ng China sa ilang bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon kay Fernando Hicap, national chairperson ng PAMALAKAYA, 20 maliliit na bangka ang lalahok sa naturang expedition kung saan buong gabi mangingisda ang mga ito sa 20-30 nautical miles mula sa baybayin ng Masinloc, Zambales.
Hakbang aniya ito ng mga mangingisdang Pilipino upang igiit ang kanilang karapatang mangisda sa ating exclusive economic zone at tutulan ang moratorium na ipinataw ng China na labag sa 2016 International Arbitral Ruiling at sa 1982 United nationsConvention on the Law of the Sea.
Bukas, sa pagdiriwang ng National Fisherfolk Day ay magkakaroon ng simpleng programa sa Masinloc at gayundin upang ipanawagan ang demilitarisasyon sa WPS upang maiwasan na madamay ang Pilipinas sa giyera na posibleng mangyari sa pagitan ng US at China.