Ibinunyag ng Department of Health (DOH) na may ilang mayor na nagbulsa ng Health Emergency Allowance (HEA) ng mga healthcare worker na kanilang kinita para sa kanilang serbisyo noong panahon ng COVID-19 pandemic.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Health and Demography, inihayag ni Health Undersecretary Archilles Bravo na nakatanggap sila ng mga ulat na hindi natanggap ng buo ng mga health care worker ang kanilang allowance.

Sinabihan naman ni Senador Bong Go ang DOH na imbestigahan ang naturang ulat.

Ayon kay Bravo, inatasan na nila ang mga complainant na maghain ng written complaint para maimbestigahan nila ng buo ang isyu.

Maliban diyan, sinabi pa ni Bravo na may mga ulat din na may ilang mayor na hindi nilalabas ang HEA ng mga healthcare worker.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Bravo, nakapaglabas na ang DOH ng P27 bilyong halaga ng HEA para sa mga healthcare worker.

Mula Mayo 14 hanggang Nobyembre 5 ng taong ito, umabot sa P5.3 bilyon ang kabuuhang appeal o request para reconsideration ng HEA kaya hiniling ni Brave kay Go na mamamagitan para maisama ang naturang halaga sa 2025 budget ng DOH.