Dadalo na sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations tungkol sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga inimbitahang opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Senate President Francis Escudero, minabuti niyang magsilbing tulay sa pagitan ng Senado at mga executive official at itinakda sa April 10 ang ikatlong pagdinig ng komite kung saan inaasahang may mga dadalong opisyal mula sa ehekutibo.
Ibig sabihin nito, hindi na kailangan ng subpoena para piliting padaluhin ang mga kaukulang opisyal ng gobyerno.
Gayunman, hindi tiyak ni Escudero kung sino-sinong mga miyembro ng gabinete at ibang opisyal ang dadalo sa pagdinig subalit ang tiyak niyang hiniling ni Senator Imee Marcos na mapaharap ay si Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director PMGen. Nicolas Torre III.
May listahan din ng mga opisyal si Sen. Marcos na ipinadala na ni Escudero sa tanggapan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Maaari pa ring i-invoke ng mga opisyal ng gabinete ang executive privilege at ito aniya ay depende sa tanong na ibabato sa kanila.