TUGUEGARAO CITY-Aminado si Baggao Mayor Joan Dunuan na nahihirapan silang hikayatin ang mga residente sa nasabing bayan na magpabakuna laban sa covid-19.
Ayon kay Mayor Dunuan, ito’y dahil karamihan umano sa mga namatay dahil sa covid-19 sa kanilang lugar ay una nang naturukan na ng 1st at 2nd dose ng bakuna.
Ngunit, paliwanag ng alkalde, hindi namatay sa bakuna ang mga casualties, sa halip ay dahil sa kanilang mga ibang karamdaman kung saan karamihan umano sa mga namatay na naturukan na ng bakuna ay mga senior citizen.
Dahil dito, sinabi ng alkalde na patuloy ang kanilang paghimok sa mga residente na magpabakuna para magkaroon ng proteksyon laban sa covid-19.
Samantala, ikinagalak naman ng alkalde ang bahagyang pagbaba ng kaso ng covid-19 sa nasasakupang lugar kung saan mula sa 280 na aktibong kaso nitong nagdaang linggo ay nasa 115 na lamang ngayon.
Sinabi ng alkalde na ito ay resulta nang mahigpit na pagpapatupad ng mga health protocols maging ang pagsasailalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa mga barangay na may lima pataas na kaso ng nakamamatay na sakit.
Paliwanag ni Dunuan na kailangan niyang ipatupad ang mas mahigpit na community restriction sa mga Brgy. na may mataas na kaso ng covid-19 sa kabila ng mga reklamo ng ilang residente para agad na mabigyang akasyon at hindi na kumalat ang virus.
Sa ngayon, nasa 11 pa rin na Barangay sa naturang bayan ang nakasailalim sa ECQ kung saan nangunguna ang Brgy. Dalla sa may mataas na kaso ng virus na mayroong 16.