Tatlo lamang sa mahigit apatnapung inanyayahang social media personalities ang dumalo sa unang pagdinig ng House Tri-Committee ukol sa isyu ng fake news at disinformation.

Ang pagdinig na isinagawa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay nagkaroon ng ilang resource persons, kabilang na si dating Press Secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles, na nagpadala ng liham na nagpaliwanag ng kanyang hindi pagdalo.

Sa kanyang liham, ipinaliwanag ni Angeles na hindi siya makakadalo dahil tinatanong niya ang legalidad ng imbestigasyon ng Tri-Committee at inihayag na ito ay lumalabag sa kalayaan ng pagpapahayag.

Bilang tugon, iminungkahi ni Representative Joseph Stephen Paduano na ipasuri sa legal department ng Kapulungan ang posibilidad ng pagsasampa ng disbarment case laban kay Angeles.

Marami sa mga social media personalities na hindi dumalo ay nagpahayag ng kanilang pangamba na ang imbestigasyong ito ay maaaring magpataw ng limitasyon sa kalayaan ng pagpapahayag.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, nagdesisyon ang Tri-Committee na mag-isyu ng show cause orders sa mga hindi dumalo upang magpaliwanag.

Pinaliwanag ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers, na siyang nagpasimuno ng imbestigasyon, na ang layunin ng Tri-Committee ay hindi ang paglabag sa karapatan ng sinuman sa malayang pagpapahayag.

Nilinaw niya na ang layunin ng komite ay maglatag ng mga regulasyon at disiplina sa paggamit ng social media, tulad ng mga patakaran na ipinatutupad sa tradisyonal na media.