Narekober ang ilang mga war materials sa isang bulubunduking bahagi ng Barangay Pina Este Gattaran, Cagayan.
Ayon kay PSSG Nilert Galla imbestigador ng PNP Gattaran, nasa kalagitnaan umano ng pagsasagawa ng Combat Operation OPLAN ang mga tauhan ng 2nd Mobile Force Platoon ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company sa mga bulubundukin, nang isiwalat ng isang former rebel na si Alyas Jurny na may mga nakatagong gamit pandigma sa nasabing lugar.
Agad naman ipinaalam sa Gattaran Police Station ang nasabing ulat at humingi ng tulong mula sa Cagayan Provincial Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit (Cagayan PECU)upang magtungo sa nasabing lugar.
Pagdating aniya sa lugar, matagumpay na narekober ng mga personnel ang mga baril, granada, bala at mga parte ng mga pampabomba gaya ng wires, battery at iba pa.
Sa pagtataya ay maaring matagal ng itinago at inihukay ang mga nasabing gamit pandigma.
Ayon kay Galla, maaari pang sumabog ang mga nasabing bomba kung ito’y gagamitin.
Ang nasabing dating miyembro ng makakaliwang grupo na si Alyas Jurny ay sumuko sa pamahalaan noong taong 2023.