
Itinanggi ni Senator Imee Marcos na mayroong niluluto ang Minority bloc na counter kudeta laban sa liderato ni Senate President Tito Sotto III.
Sa pulong balitaan, iginiit ni Marcos na wala silang pinag-uusapan sa minorya na anumang balak na kudeta at katunayan narinig lamang niya ang tungkol dito sa mga interview nina Sotto at Senator Ping Lacson.
Kung may pinag-uusapan man sila sa Minority bloc, ito ay “staying alive” o paano sila mananatiling buhay sa gitna ng mga pagbabago.
Duda ang senadora na kanya-kanyang kapraningan na lamang ang balitang bantang kudeta dahil sa buong kasaysayan ng Senado, ang grupo nila ang pinakamalaking Minority bloc.
Nang matanong si Sen. Imee kung nakakasira ng imahe ng Mataas na Kapulungan ang papalit-palit ng leadership, ang tugon naman ng senadora ay “parang masaya”.
Samantala, maging si Senator Rodante Marcoleta ay wala ring alam sa umuugong na kudeta kung saan napapabalitang ang ipapalit na Senate President ay si Senator Alan Peter Cayetano.