Tinanggal na umano sa trabaho ang ilang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa China dahil sa paglala at pagdami ng mga apektado dahil sa novel coronavirus (nCoV).

Ayon kay Glory Eheng ng Shenzhen China, hindi na pinapapasok ng kanilang mga amo ang mga stay-out na mga kasambahay dahil sa takot na mahawaan ang kanilang mga anak ng nCov.

Aniya, marami umano sa mga Chinese employer ang nakakaramdam ng takot dahil sa naturang virus kung kaya’t maging ang kanilang mga kasambahay ay hindi na pinapapasok.

Pagkukwento ni Eheng, isa umano sa kanyang mga kasama sa naturang bansa ang hindi na pinapasok ng kanyang amo dahil sa naturang sakit.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Eheng na maging sa mga establishments at mga subdivision ay mahigpit na rin ang pagbabantay laban sa nCov.

Sinabi niya na hindi pinapapasok sa mga nasabing lugar ang mga may lagnat.

Idinagdag pa ni Eheng na ipinag-utos na rin ng Chinese government ang pagsusuot ng face mask.

Ayon sa kanya, pinagbabayad umano ang mga walang face mask.