Nakatanggap ng kabuuang P510,000 na tulong pinansyal ang 37 Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang mga pamilya sa Isabela mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Regional Welfare Office 2 (RWO2).
Ang tulong ay ipinagkaloob sa ilalim ng iba’t ibang programa ng OWWA tulad ng Special Livelihood Program (SLP), Balik Pinas, Balik Hanapbuhay (BPBH), Welfare Assistance Program (WAP) para sa medikal, kapansanan, at tulong sa pagkamatay, Education and Livelihood Assistance Program (ELAP), at Skills for Employment Scholarship Program (SESP).
Layunin ng mga programang ito na suportahan ang kabuhayan, edukasyon, at medikal na pangangailangan ng mga OFWs at kanilang mga pamilya upang muling makabangon at matugunan ang mga kagyat na pangangailangan.
Ayon sa OWWA Region 2, mahalaga ang ganitong uri ng suporta para sa patuloy na pagbangon ng mga OFW at kanilang mga mahal sa buhay.