Pinalikas na ng lokal na pamahalaan ang ilang pamilya mula sa dalawang barangay sa bayan ng Gonzaga dahil sa pagtaas ng tubig dulot ng bagyong Goring.
Sa ulat ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDDRMO), nasa 17 pamilya o katumbas ng 57 katao mula sa Brgy Flourishing at Sta Clara ang inilikas sa ibat-ibang evacuation center.
Bukod dito ay nakakaranas rin ng power interruption ang ilang bayan sa lalawigan dahil sa nararanasang pabugso-bugsong pag-uulan.
Patuloy namang tinututukan ng PDRRMO, katuwang ang mga rescuers ng task Force Lingkod Cagayan, Municipal DRRM at iba pang mga ahensya ang kanilang mga nasasakupang lugar sa posibleng epekto ng Typhoon “Goring”.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 02 ay nagpadala karagdagang 500 Family Food Packs sa bayan ng Sta Ana na nasa ilalim ng Signal No. 3 bilang bahagi ng preparedness measures ng ahensiya sa posibleng epekto ng bagyo.
Sa Tuguegarao City, sinabi ni MDRRMO head Choleng Sap na masusi nang ipinatutupad ang liquor ban
Patuloy naman ang pagbabantay ng lokal na pamahalaan sa ilan pang mga mabababang lugar upang mapaghandaan ang posibleng paglilikas ng iba pang mga residente na posibleng maipit sakaling tumaas ang tubig sa kanilang mga lugar.
Inabisuhan na rin ang mga residente na itali ang bubong ng kanilang mga bahay na gawa sa light materials bilang paghahanda sa bagyo.
Tiniyak din ni Sap na nakahanda na ang mga evacuation centers, maging ang mga ipapamahaging relief packs sa pagdating ng mga residenteng posibleng maapektuhan ng bagyo.