TUGUEGARAO CITY-Nakabiyahe na kanina ang ilang pasahero na papunta sa Manila na na-stranded kahapon sa Tuguegarao City airport bunsod ng technical issues sa Air Navigation Facilities.
Sinabi ni Mary Sulyn Sagorsor, acting area manager ng CAAP-Tuguegarao, nagkaroon sila ng isang flight kaninang umaga kaya hindi na-accomodate ang lahat ng mga stranded.
Ayon sa kanya, ang iba ay nagtungo sa Cauayan City airport dahil sa nagkaroon din sila ng isang recovery flight ngayong araw na ito.
Sinabi ni Sagorsor na tatlong flights ang nakansela dahil sa nasabing problema kung saan ang isang eroplano ay fully booked sa 180 passengers na may isang sanggol, ang second flight ay may pasahero na 141 at ang pangatlo ay may 162 sa Cauayan City.
Kaugnay nito, sinabi ni Sagorsor na hindi naman apektado ng nasabing problema ang mga flights papunta sa inter-islands sa Region 2.
Kasabay nito, pinayuhan niya ang mga naapektohang pasahero na patuloy lamang na makipag-ugnayan sa kanilang airline para sa kanilang re-booking.
Umaasa si Sagorsor na babalik na sa normal ang operasyon ng mga flights sa Tuguegarao at maging sa Cauayan na papunta sa Manila at vice versa dahil kasalukuyan pa ang kanilang “Oplan Pasko” hanggang January 4.
Ang Tuguegarao airport ay may dalawang flights bawat araw na papuntang Manila.